Sendong, tinuklap mo ang aming bubong
basang sisiw kami di alam kung saan sisilong.
Eskala ng iyong musika ang aming takot at hagulhol
mga nota mo'y luha at patay na sanggol.
Nahan na ang iyong awa Sendong?
pagkat ang uugod-ugod na lola'y sa baha pinasuong.
Damit nami'y basa, nanginginig pa sa gutom
at sa palad ni Inay pag-asa ng rosaryong kuyom.
Oyayi ni Ama sa mga anak na takot
ang hagod ng kamay sa natuyong suot.
Nangitil ka Sendong at nangwasak sa aming bayan
ginahasa mo rin ang mga puno at palayan.
Gusto man naming magsaya ngayong pasko
maglalamay muna kay mahal na bunso!
No comments:
Post a Comment