Saturday, December 17, 2011

Ang Guryon(ang pagtanggap)

Ang Guryon
(ang pagtanggap)
ni Jomark M. Baynado


Tinatanggap ko ama, iyang munting guryon
Na yari sa patpat at “papel de Hapon”
Magandang laruang pula, puti’t asul
Na may pangalan kong sa gitna naroon.

Ang hiling mo ama na bago paliparin,
Ang guryon kong ito’y pakakatimbangin;
Ang solo’t paulo’y susukating magaling
Nang hindi mag-ikit o kaya’y magkiling.

Saka, pag umihip ang hanging malakas
Sa papawiri’y papaliparing pataas;
Ang pising marupok titibayan po ng anak,
Di hahayaang lagutin ng hanging marahas.

Ibigin ma’t hindi, dadatal ang araw
Ako’y  susubuki’t makipagdagitan;
Makikipaglaban po’t laging  tatandaan
Na ang nagwawagi’y ang pusong marangal.

At kung ang guryon ko’y sakaling madaig
Matangay ng iba o kaya’y mapatid;
Kung saka-sakaling di na mapabalik
Maawaing kamay nawa ang magkamit

Ang buhay ay guryon: marupok, malikot,
Dagiti’y dumagit saan man sumuot…
Papaliparin po’t ihahalik sa Diyos,
Bago pa tuluyang sa lupa’y sumubsob!


No comments:

Post a Comment