Tuesday, November 29, 2011

Mamatay ako

Mamatay ako
Subalit ang kamatayan ay hindi katapusan
Dahil ang bawat katapusan
Ay bagong simula
At kung mamukadkad muli ang  ligaw na waling-waling
Sisibol akong muli
Mamukadkad  kasama nito…
Ang kamatayan ko ay tulad kay Sherlock Holmes
Na gugulatin ang daigdig sa muling pagbabalik
Tulad kay King Arthur
Na babangon bitbit ang Excalibur
Tulad kay Bernardo De Carpio
Inipit nang naguumpugang bato
At hindi na nagpakita
Subalit isang araw magbabalik
Sukbit ang lakas at kapangyarihan!
Tulad kay Rizal
Na binuwal ng alingawngaw ng punglo
At ibinaon sa lupang hinirang
Subalit ang diwa ay naglalakbay
At walang kamatayan
Mamatay ako
Subalit sa ikatlong araw
Sisinagan ako ni Haliya
At sisibol ako
At mabubuway ng walang hanggan
Pagkat ang katapusan ko
Ay ang binagong kwento ni Daragang Magayon.

No comments:

Post a Comment