Natuto akong tumula
Bago ako natutong magsalita
Sa sinapupunan pa lang ni Ina
Naglalayag na ang isip at diwa
Sa dagat ng mga awit at tula
Sakay sa bangka ng titik at salita.
Binibigkas ko na ang tulang- lira
Inaawit ko na ang mga sonata
Tinutugtog ko na ang gitara
At bininyagan akong makata.
Ang unang uha ko ay onomatopeya
Ng paparating na propesiya
Na itinakda ng papel at pluma
Ng mga titik, salita, at parilala.
Ang unang ngiti ko ay metapora
Ng paro-parong humahalik sa tala
Ng pipit na walang sawang nanghaharana
Sa tuwing hapon, tanghali at umaga.
Ang unang tinig ko ay awit Adarna
Pampagaling sa pusong sugatan at aba
Ako ang balahibong sa Piedras Plata
Na panulat ng nuno kong makata.
Atas ni Bathala na matuto akong tumula
Bago pa man ako matutong magsalita
Atas niya na katauha’y ko’y mabuo
Mula sa mga dalit ni Maria at tula ni Kristo.
No comments:
Post a Comment